Ramdam ko ang bawat tibok ng iyong puso
Hindi ko mawari ang kasiyahan ko
Habang pinapakinggan ko ang musika ng puso mo
Habang ikaw ay masayang tumatawa
Mga ngiting nais makita
Hindi ko ring mapigilang mapangiti sa bawat sayang pinapakita
Tayo ay may koneksyon
Na tayo lang ang meron
Ako ay ikaw at ikaw naman ay ako
Ako ay isang parte mo at ikaw naman ay isang parte ko
Hinding-hindi tayo magkakalayo
Parte ka na ng buhay ko
Ako ay nasa isang madilim at masikip na silid
Tanging ako lang ang nandidito
Napakalungkot ng paligid
Ngunit hindi ko ito alintana
Dahil sa mainit mong presensya
Alam kong nandiyan ka at hindi mo ako iiwanan
Dahil sa iyong pag-aaruga
Alam kong ligtas ako sa masasama
Sa ilang buwan kitang kasama
Ako ay napakasaya
Ramdam ko ang iyong pagmamahal na hinding-hindi ako magsasawa
Sa bawat tinig ng iyong kanta
Dahan-dahan akong napapaidlip na tila anghel ang kumakanta
Mahal na mahal kita
Pero bakit tila hindi ka na masaya?
Ayaw mo na ba sakin?
Pagod ka na ba?
Bakit napakalamig mo na?
Mas malamig pa sa nyebeng nahuhulog mula sa langit
Mas malamig pa sa panahon ng taglamig
Lagi mo nalang akong sinisigawan
Sinisisi mo ako sa kadahilanang hindi ko rin alam
Nais kong bigyan ito ng solusyon
Ngunit hindi ko alam kung papaano maibsan ang galit mo
Sakin ba o sa mundong ito?
Sana patawarin mo ako
Sa kasalanang hindi ko alam kung papaano nabuo
Naririnig ko ang bawat panaghoy sa bawat iyak mo
Nararamdaman ko ang iyong kalungkutan
Na tila gusto mo nang mawala sa mundong ito
Masakit, napakasakit na marinig ang mga ito
Ngunit wala akong magawa upang maibsan ito
Gusto kitang hagkan ng mahigpit at iparamdam na nandito ako para sayo
Iparamdam sayo na mahal na mahal kita
Gusto kong pawiin ang mga luha sa iyong mga mata
Ngunit kahit ‘yon ay hindi ko magawa
Napakasakit
May kasama kang babae kanina
Sinabi niyang hindi mo na daw ako kailangan
Sinabi niyang wala akong silbi sa buhay mo
Na pwede mo na akong iwan
Na isa lamang akong malaking kasinungalingan at hindi isang kawalan
Lumayo ka sakaniya!
Nagsisinungaling siya!
‘Wag kang sumama, parang awa mo na
Alam kong hindi mo ‘yon magagawa
Pero ako’y binigo mo
Sumama ka parin sakaniya
Bakit?
Napakasakit
Tila may tumutusok sa kabuuan ko
Nasusunog ako
Hindi ko alam kung anong gagawin ko
Dugo? Bakit napakaraming dugo dito?
Bakit tila lumalayo ako sayo?
Ayaw kong lumayo sayo
Mahigpit kitang hahawakan at hinding-hindi kita bibitawan
Pero masakit na
Napakasakit na
Hindi ko na kaya
Dahan-dahan ng lumuluwang ang kapit ko sayo
Kasabay ang dahan-dahan na pagpikit ng mata ko at dahan-dahan na paghina ng tibok ng puso ko
Sa huling natitirang pulso ng puso ko
Narinig ko ang sinabi ng babaeng kasama mo
“Tagumpay ang isinagawang aborsyon.”
Aborsyon? Inay, ano ‘yon?
Napag-alaman ko kung ano ang aborsyon, inay
Isa lang naman ang tanong ko
Bakit mo ‘yon nagawa?
Ayaw mo ba talaga sakin?
Ganoon nalang ba ang galit mo at nagawa mo akong patayin?
Isa lang ba talaga akong kamalian na hindi dapat nangyari?
Isang pagkakamali na dapat itago at kalimutan?
Kung ganoon, inay
Ako’y wala na saiyong piling
Sana ika’y masaya na ngayon
Para sakin, ‘yon lang ang mahalaga
Ang mapasaya kita
Alam mo bang dahil sa aborsyon, inay
Hindi na makikita ng aking mga mata ang iyong magandang mukha
Hindi na maririnig ng aking mga tenga ang iyong malaanghel na boses
Ang aking ilong ay hindi na maaamoy ang iyong mala-rosas na pabango
Ang aking mga labi ay hindi na mahahalikan ang iyong mapupulang pisngi
Ang aking mga daliri ay hindi na mahahawakan ang iyong mainit na kamay
Ang aking mga braso ay hindi na makapagbibigay na mahigpit na yakap
Ang aking mga paa ay hindi na matututong maglakad papunta sayo
At ang aking mga bibig ay hindi na masasabi ang mga katagang
“Mahal kita, oh ina ko”